Tuesday, August 16, 2005

kaugalian at pamahiin


KAUGALIAN AT PAMAHIIN

Nang sumampa ang mga Kastila sa Pilipinas ay napansin nilang ang mga katutubong mamamaya’y may sariling kabihasnan at mga kaugaliang ipinamana sa salin-saling lahi at siyang naging saligan ng pamumuhay-Pilipino. Marami sa mga kaugaliang iyan ang hangga ngayo’y nabubuhay pa at nagpapakilala ng unang batis na pinagmulan ng sariling kabihasnan. Bagaman ang kasalukuyang kultura ng mga Pilipino ay hindi na katutubo, ni banyaga, kundi ang pagsasama ng mga ito, gayunma’y maaanag-ag pa rin ang balangkas ng katutubong kabihasnan na pinatungan ng banyagang kabihasnang nang magsama ay nagbunga ng kabihasnang bagaman hindi dalisay – walang kabihasnang dalisay – ay masasabing tunay na Pilipino.

Ang Pananamit. – Ang pananamit ng mga sinaunang Pilipino ay lubhang naiiba sa pananamit ng kasalukuyan. Noon, ang mga lalaki ay nakabahag ngunit may kanggan, na pang-itaas, na maikli ang manggas at itim o asul na kamisang walang kuwelyo. Ang kulay ng kamisa ang nagpapakilala kung ano ang antas o ranggo ng nagsusuot noon: kung pula ay nangangahulugang datu ang may-suot; kung asul o bughaw o kung itim ay nabibilang sa uring mababa kaysa datu. Sa kabilang dako, ang pananamit ng mga babae ay binubuo ng pang-itaas na kung tawagi’y baro at ng pang-ibaba na kung tawagi’y saya. Sa Kabisayaan, ang tawag dito’y patadyong.

Noo’y walang sapatos ang mga tao, kaya’t ang lahat ay nakatapak. Gayunman, ang ulo’y may putong, na anupa’t isang kayong damit na nakabilibid sa ulo. Sa kulay ng putong nakikilala ang “pagkalalaki”: kung pula ang putong, ang may-suot ay nakapatay na ng isang tao; kung may burda ang putong, ang may-suot nito ay nakapatay na ng maraming tao. Ang mga babae ay hindi naglalagay ng putong, ngunit ang kanilang buhok ay nakapusod.

Mga Palamuti sa Katawan. – Mahilig ang mga sinaunang Pilipino sa mga palamuti sa katawan, at upang mapaganda ang sarili ay nagsusuot sila ng sarisaring alahas. Ma-babae’t ma-lalaki ay mahilig sa mga alahas, kaya’t karaniwan nang makita sa kanila ang mga kalumbiga o kung tawagin ngayo’y pulseras, galang, gintong singsing, arêtes o hikaw, at galang na pampaa. Sapagkat maraming ginto sa Pilipinas kung kaya’t ang karamihan sa kanilang mga alahas ay pulos ginto. Maging ang mga ngipin nila, na karaniwa’y mapula o mangitim-ngitim dahil sa pagnganga, ay binibilutan ng ginto. Sa kabilang dako, ang mga bisig at katawan ay pinalalamutihan hindi ng mga alahas kundi ng mga tato. Maging ang mukha ay tinatatuan at kaya ganito ay sapagkat may paniniwala sila na nakapagpapaganda sa kanila ang tato. Maging ang mga babae ay nagpapatato rin. Sa Kabisayaan, ang pagpapatato ay karaniwang-karaniwan at dahil dito ang mga mamamayan doon ay tinawag ng mga Kastila na mga Pintado o mga taong may pinta ang mga mukha’t katawan.

Ang Bahay. – Sa mga salaysay ng mga unang Kastilang misyonerong nakarating sa Pilipinas ay mahahango ang larawan ng bahay ng mga Pilipino noong unang panahon. Lumalabas sa mga salaysay na iyan na hindi gaanong naiiba ang mga bahay sa nayon sa kasalukuyan sa mga bahay noong unang panahon. Ang kabuuan ng bahay ay yari sa kawayan at pawid. Noo’y walang bahay na bato sapagkat iniaangkop ng mga tao noon ang kanilang bahay sa klima. Sapagkat mainit sa Pilipinas kung kaya’t sila’y nagtatayo ng bahay na hindi magiging hurno kung tag-araw. Ang kawayan at pawid ay angkop sa mainit na klima. Sang-ayon kay Antonio de Morga, isang Kastilang naging huwes at sumulat nang nauukol sa Pilipinas nang siya’y manirahan dito noong unang taon ng 1600, ang bahay raw ay may haligi at yari sa kawayan o kahoy. Ang bubong ay yari naman sa pawid. Ang mga bahay ay hindi dikit-dikit kundi may mga pagitan. Ang silong ay nababakuran at sa loob nito’y inaalagaan ang mga manok. Kung minsan, ang nababakurang silong ay ginagamit ding bayuhan ng palay. Ang hagdan ay yari sa dalawang biyas ng kawayan na may mga pahalang na baitang. Ang hagdan ay hindi palagian kundi naaalis at nailalagay. Kung gabi o kung wala ang may-ari, ang hagdan ay inaalis. Sa dakong likuran ay naroon ang batalan na siyang pinaka-banyo, hugasan ng palayok, pinggan, at iba pa. Mayroon ding tinatawag na silid na siyang pinaglalagyan ng unan, banig, at kung minsa’y palay na nakalagay sa napakalaking buslo na kung tawagi’y matong.

Sa mga taong-bundok sa hilagang Luson, gaya ng mga Kalingga at Ilonggot, ang mga bahay ay hindi sa lupa itinatayo, kundi sa itaas ng punongkahoy, marahil upang hindi agad-agad masalakay ng mga kaaway. Sa mga Badyaw ng Sulu, ang pinaka-bahay nila ay ang sariling bangka,sapagkat sila’y mahilig mamuhay sa dagat na siyang pinagkukunan nila ng ikabubuhay. Sa mga Mandaya at Bagobo ng Kamindanawan, ang mga bahay ay itinatayo rin sa itaas ng punungkahoy, gaya ng mga Kalingga at Ilonggot ng hilagang Luson.

Mga Uring Panlipunan. – Ang lipunang Pilipino bago sumapit ang mga Kastila ay mauuri sa tatlo: una, ang mga datu at ang kanilang mga kaanak na siyang makapangyarihan at tinitingala sa buong baranggay nila. Sa Katagalugan, ang mga datung iyan ay nagtataglay na taguring Gat o Lakan, gaya ng Lakan Dula (Lakandula) at Gat Maitan (Gatmaitan). Pangalawa sa mga gat at lakan ang mga mahadlika (ngayo’y maharlika) na malayang namumuhay. Ikatlo, ang alipin na pinakamababa ang katayuan sa lipunan. Ang isang tao’y nagiging alipin dahil sa ang katayuang ito’y namana niya sa kanyang mga magulang, o kaya’y nabihag siya sa labanan, o kaya’y hindi nakabayad ng kanyang utang, o kaya’y nabili siya ng isang taong maykaya, o kaya’y nahatulan siyang maging gayon dahil sa krimeng nagawa. Kaiba sa Europa, ang katayuan sa lipunan ay maaaring mabago sang-ayon sa mga pangyayari. Halimbawa, kung ang isang datu’y kulang sa sikap at liderato ay maaari siyang maibaba ng ranggo ng mga kanyang mga nasasakupan. Sa kabilang dako, ang alipin ay maaaring maging mahadlika dahil sa gilas at tapang na ipinakilala sa labanan.

Sa Katagalugan, ang alipin ay may dalawang uri: ang aliping namamahay at ang aliping sagigilid. Ang una’y may sariling kaanak, tahanan, at naglilinngkod sa kanyang panginoon (master) sa panahon ng pagtatanim at pagaani, sa pagtulong sa pagtatayo ng bahay nito, at sa pag-aasikaso ng mga panauhin. Sa kabilang dako, ang sagigilid ay walang sariling ariarian, nakikisama sa kanyang panginoon, at hindi maaaring mag-asawa nang walang pahintulot ito. Sa Kabisayaan, ang alipin ay may tatlong uri: una, ang tumataban; ikalawa, ang tumarampuk, at ang ikatlo’y ang ayuey. Ang una’y naglilingkod sa kanyang panginoon kung naaatasang maglingkod; ang ikalawa’y naglilingkod sa loob ng isang araw; at ang ikatlo’y naglilingkod ng tatlong araw sa isang linggo.

Ang mga alipin ay may tatlong antas o grado; una, ang ganap na alipin, na anak ng mga magulang na alipin; ikalawa, ang kalahating alipin na anak ng mga magulang na ang isa’y alipin at ang isa’y mahadlika; at ang ikatlo’y ang mala-alipin, na anak ng mga magulang na ang isa’y kalahating alipin at ang isa’y mahadlika.

Ang Katayuan ng mga Babae. – Ang katayuan ng mga babae noong unang panahon ay totoong naiiba kaysa katayuan ng mga babae sa iba’t ibang panig ng daigdig, maging dito sa Asya at maging sa Europa man. Masasabing mataas ang katayuan ng mga babaeng Pilipino nang panahong yaon sapagkat tinatamasa nila ang mga karapatan ng mga lalaki, gaya ng pag-aari ng ano mang bagay, pagmamana ng ari-arian ng mga magulang at mga kamag-anak, pangongomersiyo, at maging puno ng baranggay kung walang kapatid na lalaking magmamana ng kapangyarihan ng namatay na datu. Sa paglalagay ng pangalan nmg mga anak, ang mga ina ang karaniwang pumipili ng magiging pangalan ng mga anak. Sa paglakad naman sa lansangan, ang lalaki ay laging nasa likuran ng babae. Ginagawa ito upang maipagtanggol agad ng lalaki ang kanyang asawa sa ano mang pagsalakay na gagawin ng kaaway o ng sino mang may masamang loob. Walang kasulatang nagsasabi na ang kinikita ng mga lalaki ay ibinibigay sa asawa, ngunit maipapalagay na ang kasalukuyang ugali ng mga lalaki na ibigay sa asawa ang suweldo o kinita ay siya rin noong unang panahon. Hindi masasabing ang ugaling iya’y dinala rito ng mga Kastila, sapagkat hindi ugali ng mga lalaking Kastila na magbigay ng kanilang suweldo sa kanilang asa-asawa, kundi binibigyan lamang ng pambili nito at pambili noon. Gayon din ang sukat masabi sa mga Intsik, Amerikano, at iba pang lahing dumayo rito sa Pilipinas. Sa bansang ito lamang naging ugali ang pagbibigay ng kinita ng lalaki sa kanyang asawa.

Panliligaw at Pag-aasawa. – May kaugalian ang mga unang Pilipino na mag-asawa sa babae o lalaking nabibilang sa uri ng lipunang kinabibilangan nila. Ngunit ang ganito’y hindi mahigpit na ipinatutupad. Ang datu ay karaniwan nang nag-aasawa sa pamilyang nabibilang sa uring datu; ang mahadlika ay nag-aasawa ng mahadlika rin, at ang alipin ay nag-aasawa ng gaya rin niyang alipin. Ngunit gaya ng nasabi na, ang kaugaling ito’y hindi lubos na sinusunod. Ang mahadlikang may hangad mag-asawa ng alipin ay hindi pinagbabawalang mag-asawa rito, at ang datung nais mag-asawa ng mahadlika ay malaya ring nag-aasawa ng nais niyang maging asawa. Ang babaing hindi asawa ng isang lalaki ngunit may di-karaniwang kaugnayan doon ay tinatawag na kaibigan, na kung bigkasin ay ka-ibigan, na ang ibig sabihi’y kapwa nag-iibigan. Sa kanilang batas na batay sa kinamulatan at kinaugalian, ang mga anak sa asawa ay lehitimo o tunay, samantalang ang mga anak sa labas, wika nga, ay hindi tunay kaya’t hindi maaaring magmana ng ari-arian sa kanyang ama.

Ang pag-aasawa noong unang panahon ay hindi madali, sapagkat ang lalaki ay maraming pagdaraanang mga “baitang”, kung baga sa hagdan, bago maging karapatdapat sa mga magulang ng babaing pinipintuho. May ugali noon – na hangga ngayo’y sinusunod sa isang liblib na pook ng Pilipinas – na ang nanliligaw ay maglilingkod muna sa mga magulang ng dalaga sa loob ng ilang buwan o kung minsa’y mga taon. Mahirap ito, kung sa ngayon, ngunit noon ang mga lalaking umiibig ay handang magpakasakit at magtiis ng hirap alang-alang sa kanyang minamahal. Ang lalaki’y nagsisibak ng kahoy, umiigib, at gumagawa ng ano mang bagay na iutos sa kanya ng mga magulang ng dalaga. Sa likod ng mataimtim na paglilingkod na ito ay hindi pinahihintulutang makipag-usap ang lalaki sa dalaga; mga mata lamang nila ang nag-uusap at napapahayag ng kani-kanilang dinaramdam. Walang pagkakataong magkausap ang dalawa sapagkat mahigpit ang mga magulang na ang mga mata’y tinatalasan upang hindi sila masalisihan, wika nga, ng lalaking may kabilisan. Matapos matanto ng mga magulang ng dalaga na ang nanliligaw ay karapatdapat, ang pagsang-ayon ng mga yaon ay ipakikilala sa lalaki, datapwa’t ang ganitong pagsang-ayon ay may kondisyon: siya’y magkakaloob ng bigay-kaya o dote sa mga magulang ng dalaga. Ang bigay-kaya ay karaniwan nang lupa, ginto, o ano mang ari-ariang mahalaga. Bukod diyan ay magbibigay rin ang binata nang pang-himuyat sa mga magulang ng dalaga, na maaaring salapi, bilang bayad sa mga araw at gabi ng pagbabantay at pagpupuyat ng mga magulang mulang pagkabata hanggang magdalaga. Bukod pa riyan ay magbibigay rin ang kahabag-habag na binata ng tinatawag na bigay-suso sa nag-alagang yaya ng dalaga bilang ganti sa kanyang pagpapasuso rito. At bukod pa rin diyan ay magbibigay rin ang binata ng himaraw sa ina ng dalaga bilang bayad sa kanyang pagpapasuso sa dalaga ng ito’y sanggol pa.

Ang lahat ng ito’y inaayos ng mga magulang ng dalaga sa kanilang pakikipag-usap sa mga magulang ng binata. Kung ang hinihiling ng mga magulang noon ay hindi maibibigay ng mga magulang ng binata ay nagkakaroon ng tinatawag na tawaran hanggang sa pumayag ang panig ng dalaga. Ito’y tinatawag na pamumulungan o pamamalae. Kapag naayos na ito, ang kasal ay isusunod.

Ang Kasal. – Ang paraan ng pagkakasal ay iba-iba ayon sa katayuan ng isang tao sa lipunan. Sa mga may dugong mahal, wika nga, ang panliligaw ay dinaraan sa tagapamagitan. Pagkatapos na maayos ng mga magulang ang tungkol sa pag-aasawa ng kanilang mga anak ay ipakukuha ang nobya sa isang tagapamagitan. Pagdating sa paa ng hagdan ng bahay ng lalaki ang dalaga ay magkukunwang nahihiya at hindi agad papanhik. Dudulutan siya ng ama ng lalaki ng isang regalo at siya’y papanhik na. Pagkapanhik ay hindi tutuloy sa kalooban ng bahay hangga’t hindi siya nadudulutan ng isa pang regalo. Pagkapasok sa loob ng bahay ay hindi uupo ang dalaga at bibigyan na naman siya ng isa pang regalo. Hindi kakain o iinom ang dalaga hangga’t hindi nadudulutan ng regalo. Pagkatapos nito, ang dalaga’t binatang ikakasal ay iinom sa isang tasa. Sa bahaging ito ay ipahahayag ng isang matandang lalaki na magsisimula na ang seremonya. Isang matandang babaing may tungkuling pagka-pari ang lalapit sa ikakasal, pagdadaupin ang kanilang mga kamay sa ibabaw ng isang pinggang bigas, at kasabay ng isang hiyaw ay ihahagis ang bigas sa mga panauhin. Ito’y gagantihin ng malakas na hiyawan ng mga panauhin at ang kasal ay tapos na.

Sa mga mahadlika, ang paghahagis ng bigas ay hindi ginagawa, samantalang sa mga alipin ang pagkakasal ay nagsisimula at natatapos sa tanong ng lalaki na “Pakakasal ka baga sa akin?” At kung umoo ang dalaga ay inaaring kasal na sila.

Sa mga Moro sa Mindanaw, ang kasal ay halos kapareho ng sa mga mamamayan sa Luson. Ang tagapagsalita ng binata ay nagpapahayag sa mga magulang ng dalaga ng layunin ng binata na maging asawa ito. Ang mga magulang ng dalaga ay sasangguni sa kanilang mga kamag-anak at kung payag ang mga ito ay agad ipahahayag ang pagsang-ayon. Kasunod nito ang dote na ibibigay sa mga magulang ng babae. Sa bahaging ito ay may kinalaman ang datu, sapagkat siya ang makikipag-unawaan sa mga magulang ng dalaga. Matapos mapagkayarian ang dote ay isusunod na ang kasal, na ginagawa sa tahanan ng datu. Isang kamag-anak ng dalaga ang tutungo sa tahanan ng binata upang ihatid ito sa bahay ng datu. Pagkatapos ay kukunin ang dalaga ng isang kamag-anak ng binata at dadalhin din sa bahay ng datu. Uupo sa lapag ang mga ikakasal sa ayos na magkaharap. Sila’y pangangaralan ng hadji o hukom at pagkatapos nito’y makaitlong liligid ang binata sa dalaga. Samantalang ginagawa ito’y pipilitin ng binata na hawiin ang belo ng dalaga, bagay na sinasabayan ng sigawan ng mga panauhin, sapagkat ang mga ito ang magsasabi kung kailan hahawiin ang belo. Pagkaraan ng ilang pagtatangkang hawiin ang belo, ang mga panauhin ay sesenyas na nagpapahayag na tuluyan nang hawiin ang belo. Sa senyas na ito, ang belo ay hahawiin na ng binata. Pagkatapos nito’y babasahin ng hukom ang mga salitang nagbubuklod sa dalawa at pagkatapos ay babasbasan sila ng bendita. Ito’y susundan ng anim na araw na pagdiriwang. Sa ikapitong gabi ay pahihintulutan na ang lalaking sumiping sa asawa.

Haluang Kasal. – Kung ang mag-asawa ay nabibilang sa magkaibang uri ng katayuan sa lipunan, halimbawa’y isang mahadlika at isang alipin, ang kanilang mga anak ay paghahatiin sa kanilang dalawa. Kung ang ama’y mahadlika, halimbawa, at ang ina’y alipin, ang pinakamatanda o panganay, ang pangatlo, ang panlima, ang pampito, at iba pa, anupa’t ang mga gansal o nones, ay sa ama, samantalang ang pares – anupa’t ang ikalawa, ikaapat, ikaanim, atbp. – ay sa ina. Sapagkat mahadlika ang ama kung kaya’t mahadlika rin ang mga anak na nasa kanya. Gayon din ang sukat masabi hinggil sa mga anak na nabibilang sa ina: sila’y ituturing na alipin. Kung bugtong (iisa) ang anak, siya’y kalahating alipin at kalahating mahadlika. Kung gansal ang bilang ng mga anak, halimbawa’y pito o siyam, ang ikapito o ikasiyam ay ituturing na kalahating alipin at kalahating mahadlika.

Ang Pagmamanahan. – Sa mga sinaunang Pilipino, ang mga anak na lehitimo ay walang pagsalang magmamana ng mga ari-arian ng kanilang mga magulang, kahit na walang kasulatan. Sa ganitong pangyayari, ang mga anak ay pare-parehong magmamana nang walang nakalalamang. Halimbawa’y isang daang libo ang halaga ng ari-arian. Kung anim ang bilang ng mga anak ay paghahatiin ang isang daang libo sa anim na bahagi. Gayunman, hindi maiwasan ang pagkakaroon ng kinikilingan ang sino man sa mga magulang, kaya’t ang bunso, halimbawa, ay maaaring bigyan ng ama o ng ina ng isang hikaw, singsing, agnos (kuwintas), o ano mang bagay na nagpapakilala ng kanilang higit na pagmamahal sa bunso. Kung sakaling ang halaga ng doteng ibinigay ng ama sa mga magulang ng babaing naging manugang ay higit kaysa kabuuan ng mga minana ng iba pang anak, ang kalabisan ay hindi kasama sa kabuuan ng mga ari-ariang paghahatiin. Ang ano mang ibigay ng mga magulang sa sino man sa mga anak ay ipalalagay na bahagi ng kanyang mamamana, maliban na lamang kung ipaliliwanag ng mga magulang na ang gayo’y hindi kasama sa mga ari-ariang paghahati-hatian. Halimbawa: Si Malakas ay may ari-ariang nagkakahalaga ng sampung libong piso. Kung ang isang ari-arian ng magulang na nagkakahalaga, halimbawa, ng dalawampung piso, ay ibibigay sa isa sa mga anak nang walang paliwanag, ang halagang yao’y isasama sa mamamana nito. Ngunit kung sasabihin ng magulang na ang ibinigay niyang yaon ay hindi kasama sa mamamana ng anak na pinagbigyan, ang nasabing halagang ibinigay ay hindi isasama sa kabuuan ng mamamana ng pinagbigyan. Kung ang isang ama’y may mga anak sa isang dalagang mahadlika, ang mga yao’y itinuturing na likas na mga anak (natural children) kung inianak ang mga ito matapos makasal sa asawa. Kung walang anak sa asawa, ang mga likas na mga anak ay may karapatang magmana. Gayunman, ang mana nito’y maliit kaysa mana ng anak sa asawa. Ang mga ito’y magmamana ng dalawang bahagi ng mamanahin, samantalang ang mga likas na anak ay magmamana ng nalalabi. Kung walang anak sa asawa ang lalaki, ang mga anak nito sa ibang babae ay siyang magmamanang lahat ng kanyang ari-arian. Kung ang isang mahadlika ay may mga anak sa asawa at may mga anak din sa isang babaing alipin, ang huli ay walang mamanahin, ngunit tungkulin ng mga lehitimong anak na palayain ang babaing alipin at bigyan ang kanyang mga anak ng ikabubuhay. Kung walang anak ang mag-asawa, ang kanilang ari-arian ay tutungo sa kanilang mga kamag-anak. Walang sinasabi ang mga kasulatan hinggil sa paghahati sa pangyayaring ito, ngunit mahahaka na pareho ang mamanahin. Halimbawa’y may halagang limampung libong piso ang mamanahin, ang bawat panig o kamag-anak ay magkakaroon ng tidadalawampu’t limang libo.
Hinggil sa pagmamana ng tungkulin, ang panganay na anak na lalaki ang hahalili sa kanyang ama pagkamatay nito. Kung mamatay ang panganay nang walang naiwang anak, ang ikalawang anak ang hahalili sa kanya. Kung walang anak na lalaki ang datu, ang pinakamatandang anak na babae ang hahalili sa kanya.
Ang Pamahalaan. – Ang yunit ng pamahalaan ay ang baranggay, na binubuo ng mula sa 30 hanggang 100 kaanak. Ang salitang baranggay, na gamitin ngayon, ay sinasabing galing daw sa salitang Malayong balangay. Ngunit walang ganitong salita sa Malayong sinasalita sa Indonesya o maging sa Malaysiya. Ang salitang balang, na ang kahulugan sa Indonesya ay bangka, malaki man o maliit, na may isang layag, ang maaaring tunay na pinagmulan ng salitang Tagalog na balangay, na maaaring binibigkas noong unang panahon nang balang-ay, na nang lumaon ay naging balangay. Ito nama’y ginawang barangay (bigkas: barang-gay) ng mga Kastila, sapagkat higit na magaang bigkasin ng mga Kastila ang r kaysa l o d. Nang lumaon, ang salitang balangay ay nagkaroon ng ibang kahulugan, at ito’y sangay ng isang katipunan o asosasyon, gaya ng mga Mason na may kanya-kanyang balangay o branch.
Walang tinatawag na hari noon, kundi datu o sultan. Ang bawat baranggay ay Malaya at nag-iisa, ngunit kung minsa’y nagsasama-sama ang ilang baranggay upang maging kalipunan ng mga baranggay. Ang pangyayaring napakaraming baranggay noon ay nagpapahiwatig na walang kaisahan ang mga Pilipino at samakatuwid ay walang isang pamahalaang sentral. Tungkulin ng mga datu na pangalagaan ang kapakanan ng kanyang mga nasasakupan at ito nama’y nagbabayad ng buwis sa kanilang datu. Noo’y walang kuwalta, katulad ngayon, kaya’t ang ipinambabayad ay mga produkto. Ang mga kamag-anak ng mga datu at ang kanilang mga anak ay pawang nabibilang sa dugong mahal at hindi pinapagbabayad ng buwis. Ang datu ay makapangyarihan sapagkat nasa kamay niya ang kilala ngayong ehekutibo, lehislatibo, at hudisyal.
Ang relasyon ng isang baranggay sa kapwa baranggay ay nasasalig sa komersiyo at mga kasunduan hinggil sa pagkakaibigan at pagkakaisa. Ito’y ginagawa sa pamamagitan ng tinatawag na sanduguan, na anupa’t kumukuha ng dugo sa bisig ng nagkakaisa at inihahalo ito sa tuba. Ito’y tinutungga ng nagsasandugo. Sa pagtunggang ito, ang dalawang panig ay kinikilalang magkapatid sa dugo.
Ang pagpatay sa isang taong nabibilang sa ibang baranggay ay nagiging sanhi ng digmaan ng dalawang baranggay, pagpatay na wala naming sanhi. Ang isa pang sanhi ng digmaan ay kung tinangay ng isang lalaking nabibilang sa isang baranggay ang asawa ng lalaking nabibilang sa iba namang baranggay. Ang isa pang sanhi ay kung pinarusahan ng isang baranggay ang lalaking nabibilang sa ibang baranggay. Sa mga sanhi ng digmaan, maliwanag na walang pagtatangka noong daanin ang salitaan sa mapayapang paraan, na anupa’t dinaraang lahat sa dahas at lakas. Benggansa o paghihiganti ang motibong nagtutulak sa mga mamamayan noon na tumungo sa digmaan.
Mga Batas. – Ang mga batas noong unang panahon ay nakasulat o hindi nakasulat. Sa nakasulat o sa hindi man, ang mga yao’y batay sa kinaugalian. Ang mga batas na nakasulat ay yaong pinagtibay ng datu at ng kanyang sangguniang binubuo ng matatandang mamamayan. Yao’y nauukol sa panggagahasa, pagpatay ng kapwa, pangungulam, pag-insulto sa kapwa, pagdaraan sa bakuran ng may-bakuran nang walang pahintulot ito, at iba pang gawang ipinalalagay na mahalay at hindi mabuti. Ang taong makilalang gumawa ng mortal na kasalanan ay ipinapapatay o kaya’y pinagmumulta nang malaki. Ang mga gumawa ng pagkakasalang hindi mortal ay pinarurusahan naman sa pamamagitan ng pagtatali sa langgaman, pagmumulta, paghagupit sa likod, sa pagputol sa mga daliri ng isang kamay, o kaya’y sa paglangoy sa loob ng ilang oras, ayon sa hatol. Ang mga kasalanang hindi mortal ay ang pangangalunya, pagdaraya, pang-uumit, pagsisinungaling, pambubulahaw sa gitna ng katahimikan ng gabi, at pagsira sa mga dokumentong ari ng datu.
Ang batas ay ginagawa sa ganitong paraan. Tatawagin ng datu ang matatanda ng baranggay na tumatayong mga tagapayo niya at sasabihin sa mga ito na may naiisip siyang isang batas na dapat pagtibayin. Ang balak o panukalang ito’y pag-aaralang mabuti ng matatanda at kung sila’y sang-ayon, ang mga tadhana ng panukalang batas ay isusulat. Isang tagapagbalita, na ang tawag ay umaluhukan, ang magbabalita sa buong baranggay na may bagong batas na paiiralin ang datu. Dala ang isang kampanilya, ang umaluhukan ay pagkukulumpunan ng mga taong ibig makabatid sa mga tadhana ng bagong batas. Ang sino mang lumabag sa batas ay agad pinaparusahan ayon sa bigat ng pagkakasala.
Ang Paghuhukom. – Saan man at kailan man ay hindi nawawala o naiiwasan ang pagtutunggali ng mga tao, na ang mga dahilan ay lubhang marami, gaya ng usapin sa pagmamanahan, usapin sa lupa, usaping kriminal at iba pa. Ang mga usapin noong unang panahon ay nililitis ng hukuman na binubuo ng datu bilang hukom at ng matatandang mamamayan ng baranggay na tumatayong hurado. Sa kabilang dako, ang usapin ng dalawang baranggay ay nilulutas sa pamamagitan ng arbitrasyon na binubuo ng matatandang mamamayan ng mga neutral na baranggay na siyang namamagitan.
Ang paglilitis ay hayag at ang mga pasya o hatol ay agad ibinibigay upang maiwasan ang walang katuturang pagkabimbin ng usapin. Noo’y walang abugado. Ang magkabilang panig sa usapin ay maghaharap na kasama ang kani-kanilang mga testigo. Upang ipakilala ang kanilang katapatan, ang mga testigo ay nanunumpa sa ganitong paraan: “Maanong lamunin ako ng buwaya kung hindi ako magsabi ng totoo”; “Maanong tamaan ako ng lintik kung magsabi ako ng kabulaanan” at iba pang gangganito. Pagkatapos makapanumpa ang mga testigo ay isa-isang mangangatuwiran ang magkabilang panig sa usapin, kasunod ang pagpapatibay ng kanilang mga saksi o testigo. Ang sino mang makapagharap ng higit na maraming testigo ay ipinalalagay na nanalo sa usapin. Kung ito’y tawaran ng natalo, ang datu bilang huwes at ehekutibo ay magpapasyang dapat sundin ang hatol at sa ganito’y papanig siya sa nanalo upang mapilitan ang natalo sa usapin na tanggapin ang hatol ng hukuman.
Ang Pagsubok. – Ang mga sinaunang Pilipino, katulad ng mga Europeo noong unang panahon, ay mayroon din ng tinatawag na paglilitis-pagsubok (trial by ordeal). Sa uring ito ng paglilitis, ang paniwala ng mga tao ay nananalo ang kinakasihan ni Bathala. Ang paglilitis ay dinaraan sa pagsubok sa katatagan, katibayan, at katapangan ng nag-uusapin. Upang makilala kung sino sa nag-uusapin ang may-sala o kung sino ang walang sala ay ipinakukuha ang isang batong nakababad sa kumukulong tubig. Kung aling kamay ang napaltos ay ipinalalagay na may-sala. Ang sino mang ayaw kumuha ng nasabing bato ay siyang may-sala. Ang isa pang uri ng pagsubok ay ang pagbibigay sa nag-uusapin ng ilawang may sindi. Ang ilawang mamatayan ng ilaw ang siyang may-sala. Isa pang pagsubok: ang nag-uusapin ay patatalunin sa ilog na may dalang sibat; kung sino ang unang lumitaw ay siyang may-sala. Isa pa ring pagsubok: ang nag-uusapin ay pangunguyain ng bigas at kung sino ang may laway na malapot ay siyang may-sala. Sa mga Ipugaw sa hilagang Luson, ang pagsubok sa pamamagitan ng pagtatagis ng lakas ay karaniwan. Ang buno ay tinatawag doong bultong, at kung sino ang matalo sa larong ito ay ipinalalagay na may-sala. Isa pang uri ng pagsubok ay ang tinatawag na alaw. Ito’y paglalabanan ng dalawang armadong lalaki. Kung sino ang mapatay ay siyang may-sala.
Paniniwala’t Pamahiin. – Katulad ng mga tao sa ibang bansa, ang mga sinaunang Pilipino ay may mga paniniwala hinggil sa kanilang mga diyos, at mga pamahiin na karaniwan nang gabay sa kanilang panumuhay. Naniniwala sila , halimbawa, na walang kamatayan ang kaluluwa ng tao. Naniniwala rin sila sa kabilang buhay. Naniniwala sila sa iisang Diyos na kung tawagin nila’y Bathalang Maykapal. Ito, sa paniniwala nila, ang lumikha sa lahat, kaya’t hangga ngayo’y tinatawag na Dakilang Lumikha. Bukod sa Bathala ay mayroon din silang mga diyos na may tungkuling ginaganap sa karaniwang buhay ng mga tao. Nariyan si Idiyanale, ang diyos ng pagsasaka; si Sidapa, ang diyos ng kamatayan; si Balangaw, ang diyos ng bahaghari (ang salitang balangaw ay siya ring bahaghari); si Mandarangan, ang diyos ng digmaan; si Agni, ang diyos ng apoy; si Magwayen, ang diyos ng kabilang buhay; si Lalahon, ang diyos ng pag-aani; si Siginarugan, ang diyos ng impiyerno; at si Diyan Masalanta, ang diyos ng pag-ibig.
Sinasamba ng mga unang Pilipino ang araw at ang buwan, ang mga hayop at ibon, sapagkat may paniwala silang dapat igalang ang mga bagay na nakikita sa Kalikasan (Nature). Maging ang mga punungkahoy na wala nang silbi ay ipinalalagay na dapat igalang kaya’t wala sino man ang magtatangkang pumutol doon. Gayon din, sinasamba nila maging ang mga bato sa may dalampasigan at upang ipakilala ang kanilang paggalang sa mga ito ay nag-iiwan sila ng mga pinggan at iba pang bagay doon. Ang kaugaliang ito’y nagpapakilala na ang mga sinaunang Pilipino ay nagpapahalaga sa relasyon ng tao sa mga bagay na nakikita sa Kalikasan.
Malaki ang paggalang ng mga Pilipino noon sa alaala ng mga namatay, at upang ipakilala ito ay umuukit sila ng mga larawang yari sa bato, ginto, o kaya’y garing (ivory). Gayon na lamang ang paggalang na iniuukol sa alaala ng mga namatay na sa paniwala ng sinaunang Pilipino ay mayroon pa silang relasyon sa mga namatay, anupa’t patuloy pa rin ang kanilang relasyon.
Bukod sa mga diyos, ang mga Pilipino ay sumasamba rin sa mga anito (Tagalog) o diwata (Bisaya). Kung sa panahong ito, ang mga anito ay katumbas ng mga santo. Katulad ng maraming Pilipino sa panahong ito, ang mga sinaunang Pilipino ay nagdarasal sa mga anito at naghahandog ditto ng mga pagkain. Upang makahuli ng maraming isda at maligtas sa kapahamakan sa dagat ay naghahandog sila ng pagkain sa anito ng sakahan, at iba pa. Ang anito ay maaaring mabuti o maaaring masama. Sa mabuti’t sa masama ang anito, ang mga tao noo’y nagdarasal at naghahandog ng pagkain upang manatili ang kabutihan ng mabuting anito at upang mabawasan ang kasamaan ng masamang anito. Ang paghahandog o sakripisyo ay ginagawa ng babaing pari na kung tawagin ay baylana o katalona. Ang mga handog ay baboy, alak (tuba), iba’t ibang pagkain, ginto, at iba pa.
Ang Paglilibing. – Sapagkat naniniwala ang mga sinaunang Pilipino sa kabilang buhay at sa relasyon ng buhay sa patay kung kaya’t malaki ang paggalang nila sa alaala ng mga patay. Ang patay ay inilalagay sa kabaong na may kasamang damit, ginto, at iba pang mahahalagang gamit na umano’y kakailanganin ng namatay sa kanyang pagtungo sa kabilang buhay. Sa matandang paniwala, ang patay raw na maraming dala-dalahan ay buong pusong tatanggapin sa kabilang buhay, samantalang ang walang dala ay makararanas ng malamig na pagtanggap doon. Maliwanag na hindi man sinasabi ay mahahalata naming may kinikilingan ang kabilang buhay, na anupa’t ang mayaman o may-kaya ay nakalalamang na sa pagtungo sa kabilang buhay.
Katulad ng karaniwang nakikita sa kasalukuyan ay katakot-takot ang iyakan ng mga kamag-anak at mga kaibigan. Bukod sa mga ito ay mayroon pang upahang tagaiyak na nagsasalaysay o umaawit ng mga kabutihang nagawa ng namatay. Sa mga taga-Luson, ang pagpapakilala ng pagluluksa ay hindi gaya ngayong itim ang damit na isinusuot, kundi puti. Sa mga lipi ng Mindanaw at sa ilang pulo ng Kabisayaan, ang pagdaramdam sa pagkamatay ng kamag-anak ay ipinakikilala sa pamamagitan ng paghuhuramentado o walang taros na pagpatay sa kapwa. Kung minsan nama’y naglalagay sila ng galang na behuko sa kanilang mga paa’t liig. Ang pagkain ng ano mang uri ng karne at ang pag-inom ng alak ay bawal sa panahon ng pagluluksa.
Ang pagluluksa sa babaing namatay ay tinatawag na morotal, samantalang ang sa lalaki ay tinatawag namang maglahi. Sa kabilang dako, ang pagluluksa sa namatay na datu ay tinatawag na laraw. Kapag datu ang namatay, ang pangyayaring ito’y agad ipinahahayag sa buong baranggay. Ang lahat ng pakikidigma, kung mayroon, ay ibibimbin; ang sibat kung dinadala ay kailangang nakatungo sa lupa; ang pag-awit ay bawal; baligtad ang paglalagay ng balaraw (daga) sa kaluban; at bawal ang magsuot ng damit na masagwa ang kulay. Sa likod ng mga pagbabawal na ito ay patuloy naman ang kainan at inuman ng alak ng mga tao. Gayunman, ang mga kamag-anak ng namatay ay nag-aayuno at ang kinakain ay pawang gulay. Sa mga Tagalog, ang pag-aayuno ay tinatawag na sipa. Kung ang namatay ay biktima ng masamang layon o kaya’y namatay sa labanan, ang pagluluksa ay hindi natatapos hangga’t hindi naipaghihiganti ang namatay. Ang paghihiganti ng mga kamag-anak ay tinatawag na balata. Karaniwang nagdaraos ng pasiyam, na anupa’t nagdarasal at nagkakainan ang mga kamag-anak at mga kaibigan ng namatay sa ikasiyam na araw ng pagkamatay ng yumao. Kadalasa’y nagtatanghal ng dula o drama na kung tawagin ay tibaw.
Naniniwala rin ang mga unang Pilipino sa tinatawag na anting-anting o agimat. Marami sa pangyayari ang binibigyan nila ng kahulugan, halimbawa’y ang pagkahol o pag-alulong ng aso, ang paglipad ng uwak, o kaya’y ang paghuni ng butiki. Naniniwala rin sila sa manghuhula na kung tawagin noo’y pangatauhan, na umano’y nakahuhula sa mga darating na pangyayari. Naniniwala rin sila sa asuwang, sa mangkukulam, sa tikbalang, sa manggagaway, at sa tiyanak.
Ang mga paniniwala at mga pamahiing iyan ay hindi nalipol ng pagdating dito ng kabihasnang Kanluranin. Ang ilan sa kanila’y nanatiling buong-buo, samantalang ang ilan nama’y nalahiran ng diwa ng Kristiyanismo at minana ng kasalukuyang salin ng lahi sa ganyang ayos.
Kabuhayan. – Ang pamumuhay at kabuhayan ng mga sinaunang Pilipino ay hindi gaanong nalalayo sa pamumuhay at kabuhayan ng malaking bahagi ng mga Pilipino sa kasalukuyan. Ang malaking kaibahan ng dalawa ay nakasalig sa bilis ng pagkukumagkag ng mga tao ngayon, samantalang noon ang mga tao’y hindi nagmamadali sa kanilang mga gawain.
Ang pangunahing industriya noon, gaya ngayon, ay ang pagsasaka. Sagana ang bayan noon sa bigas, saging, bulak, niyog, dalanghita, abaka, at iba’t ibang uri ng mga prutas at mga gulayin. Ang pagsasaka noo’y may dalawang uri: una, ang tinatawag na pangangaingin (galing sa kaingin) at ang ikalawa’y ang paglilinang. Sa una, ang lupa’y nililinis sa pamamagitan ng pagsunog sa mga halaman at damo at pagkatapos nito’y tatamnan ang lupa. Sa ikalawa, ang lupa’y inaararo at pagkatapos ay tinatamnan. Upang mapalaki ang ani ay naglalagay sila ng patubig,
Ang pagmamay-ari ng lupa noo’y may dalawang uri. Ang una’y panlahat o publiko at nauukol sa mga lupang malapit sa kabundukan. Ipinalalagay na ang lupang ito’y mahirap araruhin at ang sino mang may sipag at tiyaga ay maaaring magtanim at makinabang sa ganyang uri ng lupa. Ang ikalawa’y ang pribadong lupa na ari ng mga datu. Ang lupang ito’y mataba at maunlad na sapagkat naayos na ng datu sa tulong ng mga alipin. Sa ibang pook, ang ilang lagay ng lupa ay pinauupahan ng datu. Sang-ayon kay Padre Juan de Plasencia na nakasaksi sa mga kaugalian ng mga Pilipino nang dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, ang matuwid kung bakit pinauupahan ng datu ang ilang lagay ng lupa ay sapagkat binili niya ang nasabing lupa sa datung dating may-ari nito at upang makuha ang kanyang ibinayad ay pinauupahan niya ang lupang nabili.
Katulad ngayon, ang pagkain ng mga Pilipino noon ay nakasalig sa bigas, at ang ulam ay karaniwan nang isda at kung minsa’y karne ng baboy o baka. Ang pag-inom ng alak (tuba) ay karaniwan, ngunit hindi sila nagpapakalasing. Bukod sa pagsasaka ay mayroon pang ibang industriya ang mga Pilipino noon, gaya ng paghahayupan, pangingisda, pagmimina, paghabi, paggawa ng mga sasakyang- dagat, at pangangahoy. Nag-aalaga rin sila ng mga manok, kambing, kalabaw, at kabayo. Mayroon din silang elepante, sapagkat ilan sa mga wika sa Pilipinas ang kakikitaan ng salitang gadya, na ang ibig sabihin ay elepante. Bukod diyan, ang Museong Pambansa ay nakatuklas ng mga buto ng elepante sa Hilagang Luson, bagay na nagpapatotoong may elepante sa Pilipinas noong unang panahon.
Ang paggawa ng mga sasakyang-dagat na may layag ay isang maunlad na industriya ng mga unang Pilipino. Ang kapal ng kagubatang sagana sa matitigas na punungkahoy na sinasangkap sa paggawa ng mga sasakyang-dagat ay naging mapagpala sa mga Pilipino na sapagkat naninirahan sa mga tabing-dagat ay sanay maglayag. Nang dumating ang mga Kastila ay nagtaka sila sa iba’t ibang uri ng mga sasakyang-dagat at bangka na ginagawa ng mga Pilipino. Dahil sa hindi alam ng mga Kastila ang pangalan ng mga sasakyang-dagat at mga bangka ay gumawa sila ng mga pangalan, gaya ng binta, birey, prau na ginawang paraw ng mga Pilipino, karakoa, at iba pa, bukod sa bangka at balangay.
Ang paghahabi ng mga damit ay isang industriyang pambahay na maunlad na nang dumating ang mga Kastila. Sinamay, hibla ng saging, bulak, at sutla ang ginagamit sa paghabi. Dahil sa mga industriya ay naging maunlad ang komersiyo ng mga baranggay na ang ginagamit sa pagdadala ng mga produkto ay mga bangka at batel. Ang karamihan ng mga ilog ay naging isa sa mga dahilan kung bakit ang komersiyo ng mga baranggay ay naging hasi (mabili). Sinasabi ng matatandang kasulatan na nang dumating ang mga Kastila sa Pilipinas ay nakita nila ang maraming sasakyang-dagat sa Sebu na nagbuhat pa sa Maynila at iba pang bahagi ng Luson. Ang mga sasakyang iyan ay tigib ng mga bilihing dinadala sa mga pulo ng Kabisayaan at sa Kamindanawan, lalo na sa Butuan, ngayo’y sakop ng Surigaw. Sang-ayon kay Padre Martin de Rada, sa isang sulat niya sa biseroy ng Meksiko, ay totoong maraming mangangalakal na taga-Luson, Hulo at iba pang mga pulo ang naglalayag sa malalayong bayan upang makipagkalakalan. Bukod sa komersiyo sa loob ng Pilipinas ay nagkaroon din ng pakikipagkalakalan sa iba’t ibang bansa, gaya ng Hapon, Tsina, Siyam (ngayo’y Taylandiya), Kambodya, Borneo, Sumatra, Haba, at sa iba pang pulo ng matandang Malaysiya.
Noo’y walang kuwaltang ginagamit ang mga tao. Ang paraan ng bilihan ay dinaraan sa tinatawag na palitan ng mga produkto. Halimbawa, kung ang isang tao’y may kambing ay maaari niyang ipagpalit ito sa isang tiklis na isda. Kung minsan, ang ibinabayad ng mga Pilipino sa mga Intsik na mangangalakal na dumayo buhat Tsina ay ginto o ano mang bagay na naiibigan ng mga Intsik. Sang-ayon sa isang manunulat na Intsik na nakarating sa Pilipinas noon taong 1209 at nanatili rito hanggang 1214, ang mga sinaunang Pilipino ay matapat sa pakikitungo sa mga mangangalakal na taga-ibang bansa. Ang mga Intsik, halimbawa, na kinukunan ng mga produkto ay hindi agad binabayaran kundi sa susunod na pagbabalik noon. Ang mga Pilipino ay kusang nagbabayad ng inutang nilang mga produkto at dahil ditto ang mga mangangalakal na dayuhan ay may malaking pagtitiwala sa kanila.